Oktubre 19, 2026 4:05pm GMT+08:00
SINULAT NI: GISELLE OMBAY, GMA News
Kasama si Pasig Mayor Vico Sotto nina Senador Raffy Tulfo, Robin Padilla, Alan Peter Cayetano, na statistically tied sa non-commissioned survey na isinagawa ng OCTA Research tungkol sa mga posibleng ibotong senador sa 2028 elections.
Sa Q3 2026 Tugon ng Masa (TNM) survey na isinagawa mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, 2026, nakakuha si Tulfo ng pinakamataas na voting preference na 47%, na sinundan ni Padilla na may 45%, Cayetano na may 44%, at si Sotto na may 42%.
Ayon sa OCTA Research, pasok ang apat sa una hanggang ikaapat na puwesto, "indicating that their relative order cannot be treated as statistically fixed."
Sinundan sila ng dating senadora na si Grace Poe at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na kapwa nakakuha ng 36% voting preference, at naglagay sa kanila sa ikalima hanggang ikaanim na puwesto. Nakakuta naman si Senadora Loren Legarda ng 31%.
Ang iba pang nanguna sa survey ay sina:
- dating Makati mayor Abby Binay, 29%,
- Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority chief operating officer Mark Lapid, 28%,
- Senador Francis “Chiz” Escudero, 27%,
- Education Secretary Sonny Angara, 25%,
- National Anti-Poverty Commission Secretary Manny Pacquiao, 25%,
- Journalist na si Ben Tulfo, 23%, at
- Senador Jinggoy Estrada, 22%.
Ayon sa OCTA, ipinapakita sa overlapping rank ng mga posibleng kandidato na “competitive” ang mga ito para sa mga puwesto sa top 12 ng hypothetical senatorial preference list para sa 2028.
Dagdag nito, nananatili rin na “within the broad statistical range covering the last available slots” sina dating senador Aquilino “Koko” Pimentel III at dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo, na kapwa nakakuha ng 20%; Senador Mark Villar na may 19%; at dating senador Gringo Honasan at Labor Secretary Francis Tolentino, na kapwa nakakuha ng 18%.
Sinabi ng OCTA na 1,200 respondent na edad 18 pataas ang kinapanayam sa buong bansa para sa survey na gumamit ng probability-based sampling. Mayroon itong ±3 percentage points na margin of error sa 95% confidence level.
Ipinakita sa mga respondent ang isang hypothetical na listahan ng mga posibleng kandidato at tinanong sila: "I have here a list of names that may run in the May 2028 elections. If the May 2028 elections will be held today, who will you likely vote for as SENATOR? You may choose up to 12 names."
Ayon sa polling firm, may ilang indibidwal na una nang isinama sa listahan ng mga posibleng kandidato ngunit inalis sa kanilang kahilingan. Idinagdag din nito na hindi isinama sa inilathalang listahan ang mga pangalang nakakuha ng mas mababa sa 1%.
Sinabi rin ng OCTA na hindi nangangahulugan na ang inilathalang listahan ay kumpleto na o pinal kaugnay ng mga posibleng tumakbong senador.
Binigyang-diin din ng OCTA na hindi dapat ituring ang resulta bilang pagtataya sa magiging resulta ng 2028 senatorial elections.
"They provide only a snapshot of voter preferences during the September 28 to October 4, 2026 fieldwork period. Preferences may change substantially as political alignments, candidacies, campaign conditions, public issues, and voter information evolve. Rank ranges are reported because candidates with close percentages may be statistically tied within the survey’s margin of error," saad nito sa pahayag. —FRJ GMA News