Oktubre 13, 2026 2:48pm GMT+08:00
SINULAT NI: GMA News
Karumal-dumal ang sinapit ng isang padre de pamilya, na natagpuang patay at tadtad ng saksak sa mukha sa loob ng kaniyang bahay sa Bacoor, Cavite. Ang mga suspek, ang kaniyang asawa at tatlo nilang anak.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita nitong Martes, sinabing hindi halos makilala ang bangkay ng 57-anyos na biktima.
Sinabi ng pulisya na may matinding galit ang gumawa ng krimen matapos magtamo ang biktima ng matinding saksak at sapak sa mukha.
“May taga sa ulo. I'm not sure 'yung mata kung pasa talaga 'yun. Parang pinaghahampas muna eh,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Alexie Desamito, Bacoor Police Chief.
Posibleng noong Sabado pa nangyari ang krimen matapos makarinig ang ilang kapitbahay ng sigawan at gulo sa bahay ng biktima.
Gayunman, hindi ito nai-report agad.
“Nasabihan siya na ‘Wala kang nakita.’ Silang mag-iina po. So dahil medyo natakot po. Medyo nanahimik muna siya pansamantala,” sabi ni Desamito.
Batay pa sa imbestigasyon, posibleng mitsa ng away ang madalas umanong pagrereklamo ng biktima.
“Vendor po kasi 'yung victim. He keeps on complaining nga daw dahil siya lang daw 'yung sumu-support sa family tapos 'yung wife, madalas daw pong nagsusugal at nag-iinom at umuuwing lasing. Tapos wala daw pong dadatnan na pagkain,” sabi ni Desamito.
Lumabas din sa imbestigasyon na dati na ring sinaksak ng biktima ang kaniyang asawa.
“Nag 50-50 daw, kaya lang hindi naman po nag-complain kasi kinonsider niya pa rin sila bilang pamilya. Pinatawad lang niya,” ayon pa kay Desamito.
Base sa tingin ng pulisya, maaaring hindi lang sa pagpatay tumulong ang mga anak kundi pati sa tangkang itago ang krimen.
“‘Yung isa po na daughter ay siya ang nautusan po na labhan 'yung mga duguan na clothing ng wife. ‘Yung wife ay natulog po sa ibang bahay. Tapos parang pinalabas nila na lone occupant 'yung victim doon sa bahay... 'yung isang anak po ang umamin kung sino po ang sumaksak. ‘Yung mother ang sinabi,” sabi ni Desamito.
Nakakulong na sa Bacoor Police ang asawa at tatlo nitong anak, na nahaharap sa reklamong parricide.
Sumasailalim na rin sila sa inquest proceedings sa piskalya ng Bacoor.
Sinusubukan pa ng GMA News na kunan ng pahayag ang mga suspek. —Jamil Santos/VBL GMA News