Oktubre 20, 2026 11:54pm GMT+08:00
SINULAT NI: GMA News
Tabi na muna "bembang" dahil may bagong salitang viral ngayon na nakatawag ng pansin sa netizens-- ang “esmeringhoy.” Ang naturang salita, ginamit ng isang babae sa isang panayam sa radyo nang kaniyang ilahad ang problema umano sa pagsasama nila ng kaniyang mister.
Muling ibinahagi ng mga netizen sa X (dating Twitter) ang video clip ng panayam at ibinahagi rin ang kanilang mga reaksyon sa hindi pamilyar na salita.
Inaakusahan ng babaeng si Evelyn, ang kaniyang asawang si Ronald ng pisikal at emosyonal na pang-aabuso. Sa gitna ng panayam, ginamit niya ang nasabing salita nang ihayag niya ang hiling niya sa kaniyang mister na magsiping sila bago sila maghiwalay.
"Nilambing-lambing ko siya. Sabi ko, 'Bago tayo maghiwalay, mag-esmeringhoy muna tayo para last na lang na ano.' Ayaw niya ma'am. Ilang siya," ayon kay Evelyn.
Nang tanungin ng host kung ano ang ermeringhoy, tugon ng ginang, "'Yung magbembangan ba (patungkol sa pagsisiping)."
Dahil dito, nagsimula ang mga talakayan online tungkol sa eksaktong kahulugan ng nasabing salita, at kung saan ito nagmula
Naging inspirasyon din ito ng mga nakatatawang post sa social media. Sa isang post, isinulat ng isang X user ang “cigarettes after esmiringhoy,” na paglalaro sa pangalan ng bandang Cigarettes After Sex.
Tinawag naman ito ng isa pang user na isang “new word unlocked,” na nagpapakita ng pagkamausisa ng mga netizen tungkol sa kahulugan ng salita.
Dati nang sinasabi ng mga eksperto na “buhay” ang wikang Filipino na nagkakaroon ng mga salita at kung minsan ay bagong kahulugan sa paglipas ng panahon.
BASAHIN: Ang pagsabay sa uso ng wikang Filipino
Noong nakaraang taon, umani ng reaksyon mula sa ilang Gen Z netizens ang isang sikat na broadcaster nang bigkasin naman niya ang salitang "bembang" sa kaniyang programa.
BASAHIN: Pagbibigay ng ibang kahulugan sa mga salita, hadlang sa maayos na komunikasyon?
Samantala, bukod sa kawalan umano nila ng pagtatalik, inakusahan din ni Evelyn ang kaniyang asawa ng pagtataksil at pagmamaltrato sa kabuuan ng kanilang pagsasama.
Ikinuwento niya ang isang insidente kung saan sinuntok umano siya ng kaniyang asawa sa mukha, na dahilan upang matanggal ang isa niyang ngipin. Ayon sa kaniya, hindi man lamang humingi ng tawad sa kaniya ang asawa.
Iginiit din niya na nakipagrelasyon umano si Ronald sa ibang mga babae, kabilang na noong nagtatrabaho ito sa ibang bansa.
Ipinagtanggol naman ni Ronald ang kaniyang sarili at sinabing simpleng pakikipag-ugnayan lamang sa social media ang kaniyang mga online chat sa ibang mga babae at matagal na niyang itinigil.
Bukod dito, binanggit niya ang payo umano ng duktor tungkol sa kaniyang kalusugan na bawal siyang mapagod nang husto na dahilan ng pagtanggi niya sa “esmiringhoy.”
Humingi rin siya ng tawad sa mga naganap na pisikal na alitan sa nakaraan at sinabing naghahanap siya ng bagong trabaho para masuportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.—Carby Rose Basina/FRJ GMA News