Isa ang nasawi habang walo ang sugatan sa pag-atake nitong Miyerkules ng gabi na pinuntirya ang King Fahd International Airport sa Dammam, na nasa silangang bahagi ng Saudi Arabia, ayon sa Saudi civil aviation authority.
Sa isang pahayag, sinabi ng awtoridad na mula sa “minor to serious" ang tinamong mga pinsala ng mga nasugatan.
Sinusuri na rin ang lawak ng pinsala sa mga pasilidad ng paliparan.
Hindi tinukoy ng awtoridad kung anong uri ng pag-atake ang naganap. Gayunman, ilang beses nang pinuntirya ng mga projectile ang mga paliparan sa Saudi Arabia nitong mga nakaraang araw.
Iniuugnay ang mga naturang pag-atake sa grupong Houthi ng Yemen, na suportado ng Iran. — ulat mula sa Agence France-Presse/FRJ GMA News