Oktubre 15, 2026 3:49pm GMT+08:00
SINULAT NI: GMA News
Arestado ang isang 74-anyos na lolo dahil sa panghahalay umano sa isang babaeng limang-taong-gulang sa loob ng isang e-trike sa Muntinlupa. Itinanggi naman ng suspek ang paratang, at sinabing wala siyang kakayahang gawin ang krimen dahil na-stroke na siya.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naglalaro lang ang batang si “Krishna,” hindi niya tunay na pangalan, kasama ang lola na nagtitinda ng ulam ‘di kalayuan sa bakanteng lote noong Linggo nang biglang mawala ang bata.
Kaya agad na sumaklolo ang ilang kapitbahay upang hanapin ang bata.
“Nalingat lang po ako nang kaunti dahil nagtitinda ako eh. Nagtakal lang ako ng ulam. Aba’y nakuha na pala ng matandang iyon ang apo ko,” sabi ng lola ng biktima.
Kalaunan, nakita umano ang bata kasama ang isang lolo na taga-kabilang sitio na nasa loob ng electric tricycle.
“Ang apo ko po ay nakaharap doon sa matanda at nakalilis po ang short niya. Galit na galit po ako. Pinagsasampal po po ‘yung matanda,” sabi ng lola ng biktima.
Agad inaresto ng Muntinlupa Police ang suspek at sinampahan ng kaukulang reklamo.
“Upon arrest po ng ating suspect, inayos po natin ‘yung reklamo ng biktima. So, represented po siya ng kaniyang nanay mismo. And then, sa ngayon na-inquest na rin po siya for violation of Republic Act 8353 or the Anti-Rape Law,” sabi ni Police Colonel Olivia Ancheta, Muntinlupa Chief of Police.
“Masakit po talaga sobra, lalo na kapag dinidinig ko po ‘yung salaysay ng anak ko sa mga nangyari sa kaniya noong araw na iyon. Alam ko hindi pa rin mawawala ‘yun sa kaniya. Sobrang ingat po namin dahil lagi naman naming kasama,” sabi ng ina ng biktima
Depensa ng suspek, na-stroke na siya, at hindi na niya kayang gawin ang inaakusa dahil sa kondisyon niya.
“Hirap na akong magkilos-kilos na eh. Hindi na ako makaano,” sabi ng lolo.
Nais din ng suspek na makausap ang pamilya ng bata at handa siyang humingi ng paumanhin.
Pero ang pamilya ng bata, walang planong makipag-areglo.
“Makulong po siya. Hindi na makalabas. At ‘yung kamag-anak niya, sila pa ang galit sa amin,” sabi ng lola ng biktima.
“Kahit anong pakiusap po sa akin, hindi po talaga ko uurong. Pagbayaran mo lahat nu'ng ginawa mo, kulang pa ‘yan,” ayon naman sa ina ng biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA News