Nasawi ang isang 91-anyos na lola matapos siyang tagain ng kaniyang 26-anyos na apo na nagalit nang hindi niya mapahiram ng pera sa Moises Padilla, Negros Occidental. Ang suspek, nasawi rin matapos namang saksakin ng kaniyang lolo nang makita ang sinapit ng kaniyang asawa.
Sa ulat ni Eileen Pedreso sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa pamilya sa bahay ng mga ito sa Barangay Guinpanaan.
Ayon kay Police Major Judesses Catalogo, tagapagsalita ng NOCPPO, lumitaw sa imbestigasyon na nagkaroon ng pagtatalo ang maglola dahil sa paghingi ng suspek ng pera na hindi naibigyan ng lola.
Humantong ito sa pananaga ng apo sa kaniyang lola na nagtamo ng mga sugat sa ulo at kamay na dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Nang makita ng 87-anyos na lolo ang sinapit ng kaniyang asawa, kumuha ito ng patalim at sinaksak ang kaniyang apo, na dahilan para masawi rin ang suspek.
Sugatan din at patuloy na inoobserbahan sa ospital ang lolo na nataga rin ng suspek. – FRJ GMA News