Tuloy ang kampanya ni Alexandra “Alex” Eala sa Ningbo Open sa China matapos niyang ilampaso sa straight set si Diane Parry ng France, 6-3, 6-1, nitong Lunes.
Ang naturang panalo kontra kay Parry sa Round of 32 ang unang tagumpay ni Eala sa idinaraos na Asian swing matapos siyang maagang matanggal sa mga torneo sa Singapore at Wuhan.
Naging dikit ang laban nina Eala at Parry sa unang set, na nagtabla sa 3-3 bago napanalunan ng Pinay tennis star ang sumunod na tatlong laro upang makuha ang naturang set.
Dala ang momentum sa ikalawang set, napanalunan ni Eala ang unang apat na laro upang makontrol ang laban bago nakabawi si Parry ng isa. Gayunman, muling nakontrol ni Eala ang laro at nakuha ang sumunod na dalawang game upang selyuhan ang kaniyang panalo.
"She’s had a really good year so congrats to her for the year she’s done and [I'm] really happy to be in the second round," sabi ni Eala sa post-match interview.
"Thank you everyone, maraming salamat mga Pinoy, xie xie… Thank you so much for the support. It really makes my job very fun even in the difficult moments so I’m very happy to be here," dagdag niya.
Sunod na kakaharapin ni Eala, bumaba ang ranggo bilang world No. 20, kung sino mananalo sa sagupuan nina Yulia Putintseva at Diana Shnaider para sa second round.
—FRJ GMA News