Oktubre 12, 2026 2:39am GMT+08:00
SINULAT NI: GMA News
Nagpapagaling na sa iba't ibang ospital sa Riyadh, Saudi Arabia ang hindi bababa sa apat na Pilipinong kabilang sa mga nasugatan sa pag-atake sa King Khalid International Airport nitong Sabado, Oktubre 10, 2026, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
"Based on a report by Labor Attache Dominador Salangga of the Migrant Workers Office (MWO)-Riyadh, three are currently in the ICU while the other is set for discharge from the hospital," ayon sa inilabas na pahayag ng DMW.
Patuloy na sinusubaybayan ng mga tauhan ng MWO at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Riyadh ang kalagayan ng mga nasugatang Pilipino. Tiniyak din ng tulong at suporta sa kanila.
"No Filipino deaths have been reported in connection with the incident," sabi pa ng DMW.
Una rito, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac nitong Linggo na tatlong Pinoy ang nasugatan sa pag-atake sa Riyadh International Airport, dalawa sa kanila ang nananatili sa intensive care.
Iniulat ng Reuters na hindi bababa sa 12 katao ang nasawi at mahigit 300 ang nasugatan sa pag-atake sa international airport ng Riyadh nitong Sabado. Ito na ang pinakamadugong pag-atake sa kaharian sa loob ng mahigit isang dekada, habang pinalalawak ng mga Houthi na suportado ng Iran ang kanilang pag-atake.
Naglabas din ang DMW ng mga paalala para sa lahat ng OFWs sa Saudi Arabia. Kabilang dito na iwasan ang mga lugar na posibleng maging target ng pag-atake, gaya ng mga pasilidad ng militar, refinery at mga katulad na lugar.
Kapag nasa paliparan, lumayo sa mga mataong lugar. Sundin ang mga anunsyo ng Embahada, Konsulado at mga MWO sa Saudi Arabia, pati na rin ang mga Facebook page ng mga sangay ng pamahalaan ng Saudi.
Ang mga may nakatakdang biyahe, tawagan muna ang airline bago pumunta sa paliparan o tingnan ang email na ginamit sa pag-book. Hilingin din sa employer na regular na tingnan ang kanilang mga email.
Ipinaalala rin na huwag kumuha ng video o litrato ng anumang pag-atake at huwag i-post sa social media. Bukod sa ipinagbabawal ito ng Saudi Arabia, may katapat na kaukulang parusa ang lalabag.
Para sa mga mangangailangan ng tulong, maaaring tawagan o makipag-ugnayan sa mga sumusunod:
RIYADH / CENTRAL REGION
Philippine Embassy – Assistance to Nationals
+966 56 989 3301
Migrant Workers Office (MWO) Riyadh
+966 50 285 0944
mwo_riyadh@dmw.gov.ph
OWWA Riyadh
+966 50 285 0944
welfare_riyadh@owwa.gov.ph
JEDDAH / WESTERN REGION
Philippine Consulate General – Assistance to Nationals
+966 55 521 9613
+966 55 521 9614
Migrant Workers Office (MWO) Jeddah
+966 56 981 9720
mwo_jeddah@dmw.gov.ph
OWWA Jeddah
+966 54 473 7797
jeddah@owwa.gov.ph
AL KHOBAR / EASTERN REGION
Migrant Workers Office (MWO) Al Khobar
+966 56 232 9926
mwo_alkhobar@dmw.gov.ph
OWWA Al Khobar
+966 56 232 9926
alkhobar@owwa.gov.ph
— FRJ GMA News