Pinatawan ng parusa ng Land Transportation Office (LTO) ang jeepney driver na humarang sa pedestrian lane habang may taong dumadaan sa Muntinlupa noong nakaraang Setyembre.
Sa pahayag na inilabas ng LTO, sinabi nito na dalawang taong revocation sa lisensya sa pagmamaneho ang ipinataw na parusa sa naturang driver ng isang pampasaherong jeepney.
Matapos ang isinagawang imbestigasyon ng ahensiya, idineklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle ang nasabing jeepney driver, kaya ito pinatawan ng naturang parusa.
Ibig sabihin, hindi maaaring magmaneho ng sasakyan ang naturang tsuper sa loob ng dalawang taon. Samantala, nananatiling nasa alarm status ang sangkot na jeepney sa insidente bilang bahagi ng pagpapatupad ng kaukulang aksyon ng LTO.
Una rito, naglabas ang LTO ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver at operator ng pampasaherong jeepney matapos lumabas sa social media ang video sa ginawang pagharang ng sasakyan sa pedestrian lane habang may lalaking tumatawid.
Nagalit pa umano ang tsuper nang sitahin ng lalaki ang ginawang pagharang nito sa pedestrian lane.
Nauna nang nagdeklara ang LTO na magpapataw ito ng mabigat na parusa laban sa mga motorista na magdudulot ng kapahamakan sa mga tao na gumagamit ng tamang tawiran.
BASAHIN: Binatilyong tumatawid sa pedestrian lane, nasalpok ng tricycle sa Antipolo
Bunsod na rin ito ng kabi-kabilang insidente na nasasagasaan o nabubundol ng mga sasakyan ang mga taong tumatawid sa pedestrian lane. – FRJ GMA News