Oktubre 12, 2026 3:37pm GMT+08:00
SINULAT NI: LYJAH TIFFANY BONZO, GMA News
Kung ngayon gagawin ang panguluhang halalan na nakatakda sa Mayo 2028, si Vice President Sara Duterte ang lumilitaw na mas papaboran ng mga Pilipino na iboboto mula sa listahan ng mga posibleng kumandidato. Batay iyan sa resulta ng September 2026 Pulse Asia survey.
Sa naturang survey na isinagawa mula Setyembre 17 hanggang 24, nakakuha si Duterte ng 50% na voter preference mula sa pitong posibleng maging kandidato sa pagkapangulo.
Kabilang sa listahan ng mga posibleng maging kandidato ay sina dating Vice President at Naga City Mayor Leni Robredo, Senator Raffy Tulfo, Senator Risa Hontiveros, Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Public Works Secretary Vince Dizon, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Pumangalawa kay Duterte si Robredo na may 26%, sinundan ni Tulfo sa 12%, at Hontiveros na may 3%.
Kapuwa nakakuha ng tig-1% sina Teodoro at Dizon, habang 0.3% naman ang nakuha ni Magalong.
Tatlong porsiyento ng mga respondent ang hindi pa nakapagpapasya ng iboboto, 3% din ang nagsabing wala silang susuportahang sinuman sa mga posibleng kandidato, habang 1% ang tumangging magpahayag ng kanilang iboboto.
Pinakamataas ang suportang nakuha ni Duterte ay nagmula sa Mindanao na 92%, sinundan ng Visayas na 56%, National Capital Region (NCR) na 40%, at iba pang bahagi ng Luzon na 28%.
'Alternative scenarios'
Si Duterte pa rin ang pangunguna sa lahat ng limang alternatibong senaryo na ipinakita sa mga respondent para sa halalan sa pagkapangulo sa 2028.
Sa three-way contest nina Duterte, Robredo, at Tulfo, nakakuha ang bise presidente ng 52% na voter preference, kumpara sa 30% ni Robredo at 14% ni Tulfo.
Ipinakita rin ng survey na nanguna si Duterte sa apat pang posibleng labanan sa pagkapangulo:
Duterte (57%), Tulfo (17%), at Hontiveros (14%)
Duterte (57%), Tulfo (18%), at Senator Bam Aquino (16%)
Duterte (54%) at Robredo (40%)
Duterte (60%) at Hontiveros (23%)
Impeachment trial
Isinagawa ang survey habang dinidinig ng impeachment court sa Senado ang mga ebidensiya kaugnay ng umano'y hindi maipaliwanag na yaman at mga interes sa negosyo ni Duterte, sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint laban sa kaniya.
Sa panahon ng survey, naghain ang mga tagausig ng mga rekord ng korporasyon at pagkuha ng mga kontrata ng pamahalaan na may kaugnayan sa mga kumpanyang iniuugnay sa bise presidente.
Ayon sa Pulse Asia, 2,400 adult Pinoy sa buong bansa ang tinanong sa pamamagitan ng harapang panayam.
Mayroon itong margin of error na ±2 percentage points sa 95% confidence level. Para naman sa Metro Manila, iba pang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, bawat isa ay may margin of error na ±4 percentage points. – FRJ GMA News