Nabulabog ang isang pamilya sa Barangay Aurelio III sa Balungao, Pangasinan nang makapasok sa kanilang bahay ang isang makamandag na kobra at biglang naglaho. Ang ahas pala, pumasok sa banyo at nagtago sa loob ng inidoro.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, humingi ng tulong ang may-ari ng bahay sa snake catcher na si Lexer Javier, na tinatawag din na Lex Tuklaw.
Para malaman kung nasaan ang kobra, naglagay si Javier ng camera sa loob ng banyo at nakumpirma na nasa loob ng inidoro ang ahas.
Kinalaunan, ligtas na nakuha ang kobra na mahigit isang metro ang haba.
Madamo raw sa likod ng kinaroroonan ng banyo ng bahay at hinihinalang nakapasok ito sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana.
Napag-alaman naman na matagal nang nanghuhuli ng ahas si Javier na mula sa Nueva Ecija.—FRJ GMA News