Dalawa katao ang kritikal habang 14 pa ang sugatan matapos magdulot ng karambola ang isang 12-wheeler na truck nang salpukin nito ang mga kasalubong na sasakyan sa Taytay, Rizal.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang isang jeep na natabunan ng buhangin matapos ang aksidente.
Isa namang babaeng pasahero ang humandusay sa baba ng estribo, ilan pa ang sugatan sa bangketa, at may naipit pa na tricycle at motorsiklo.
Pinakanapuruhan ang isang MPV. Ang driver, naipit sa sasakyan at halos humiwalay ang balikat sa braso.
“Hindi na siya makausap nang maayos, pero alam naman 'yung pangalan niya, saan siya nakatira. Pero ayun, sobrang sakit ng iniinda niya sa balikat, sa kaliwa,” sabi ni Miguel Antonio Avila, incident commander ng Taytay MDRRMO.
May karagang buhangin ang 12-wheeler a sumalpok sa mga kasalubong na sasakyan sa pababa at pakurbang kalsada sa Barangay Dolores 7 a.m. nitong Sabado.
Ilan pa sa mga nasalpok ng truck ang isang bisikleta sa unahan, jeepney na pampasahero, isang motorsiklo at isang tricycle.
Papunta sana ng Taytay ang truck.
Bukod sa lalaking driver ng MPV, kritikal din ang babaeng pasahero ng jeep na tinamaan sa ulo.
Nagtamo ng sugat sa binti ang college student na ito, na papasok sana sa eskuwela sakay ng jeep nang tumama siya sa kapwa pasaherong may dalang puto.
“According sa driver, hindi rin kumapit 'yung kambyo para sa engine break. Ang balita ko sobrang pagod. Inaantok,” sabi ni Lieutenant Colonel Joel Custodio, OIC ng Taytay Police.
Ngunit batay naman sa driver ng truck, may iniwasan lang siyang sasakyan kaya napunta siya sa kasalubong na linya.
“Nabulaga ako ako doon sa may jeep na nagbaba. Saka may bike din sa gilid. Naikabig ko po ‘yung manibela,” sabi ng truck driver.
Gayunman, hindi mabilis ang patakbo niya at hindi siya inaantok.
“Hindi naman po (inaantok). Nakatulog naman po kami doon kasi pila nga po sa Montalban,” anang truck driver.
Mula sa Montalban ang dump truck at pababasa na ng Taytay.
Sinabi ng Taytay Police na hindi pinapayuhan na dumaan ang mga truck doon dahil peligroso. Madalas na may naaaksidente roon.
Nakatakdang kausapin ng Taytay Police ang lokal na pamahalaan ng Taytay para magpatupad ng truck ban sa pinangyarihan ng aksidente.
“Humihingi ako ng pasensiya sa mga nasugatan at nasaktan. Aksidente po kasi ‘yung nangyari talaga, hindi ko sinasadya,” sabi ng truck driver.
Puno ng buhangin ang truck pero batay sa assessment ng Taytay Police, hindi naman ito overloaded. Makikitang pumutok ang dalawang gulong nito sa likuran.
Ayon sa may-ari ng truck, lingguhan ang maintenance ng kanilang mga truck. Nangako siyang sasagutin ang pagpapagamot ng mga sugatan.
“Mga nasugatan, siyempre naaawa naman ako sa kanila. 'Yung pagpapagamot, sasagutin namin siyempre ‘yun. Tapos 'yung ibang nakausap po naman na rin sa insurance ng truck,” sabi ng may-ari ng truck.
Mahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at damage to property. —Jamil Santos/VBL GMA News