Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) sa loob ng 90 araw ang lisensya ng rider na sangkot sa viral video ng pagtulak sa isang 50-anyos na sorbetero sa Goa, Camarines Sur.
Naging viral sa social media ang insidente na naganap dakong alas-4 ng hapon noong ika-10 ng Oktubre sa Barangay Catagbacan.
Sa video, makikitang binabaybay ng sorbetero ang kalsada nang mag-overtake ang isang motorsiklong may dalawang sakay. Ilang segundo lang ang lumipas, makikita ang tila pagtulak sa vendor.
Ayon sa Goa Municipal Police Station (MPS), nagtamo ng minor injuries ang vendor habang bumibiyahe patungong Tigaon matapos siyang itulak ng pasahero ng isa pang motorsiklo.
Batay sa follow-up investigation, natukoy ng mga pulis ang driver ng puti at asul na Honda Beat bilang si “Alyas Jo,” 21, habang ang pasahero at rehistradong may-ari ng motorsiklo ay kinilalang si “Alyas Ar,” 19, na kapwa kinumpirma na inusog lamang nila ang biktima upang hindi nila aniya masagi ito.
Sinabi rin ng dalawa na natakot umano silang balikan ang biktima, dahil sa kanilang kaligtasan.
Natagpuan ang motorsiklo dakong alas-5:45 ng umaga noong 11 ng Oktubre.
Naglabas ang LTO ng show cause orders para sa driver at rehistradong may-ari ng motorsiklo. Ayon sa Goa MPS, inilagay ang motorsiklo sa ilalim ng 30-araw na restriction habang hinihintay ang pagsunod sa mga kinakailangan ng ahensya.
Ayon naman kay LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao, inatasan niya ang LTO Region V na imbestigahan ang insidente at tiyaking masusunod ang tamang proseso laban sa rider.
“Inatasan ko ang Region V na agad imbestigahan ang insidente at tiyaking masusunod ang tamang proseso laban sa rider. Dapat maging responsable sa pagmamaneho at huwag ilagay sa panganib ang kapwa, lalo na sa ganitong uri ng insidente,” saad ni Lacanilao.
Stay informed
Get Daily Tribune in your inbox
Breaking news, opinion, and business coverage for readers in the Philippines and abroad.
Subscribe to the newsletterPrefer chat alerts? Join the Daily Tribune Viber community.
