Oktubre 14, 2026 1:02pm GMT+08:00
SINULAT NI: GMA News
Dinakip ang isang lalaki na suspek sa likod ng ilang insidente ng rentangay modus matapos ang isinagawang entrapment operation sa San Juan. Ang kasama niyang driver na nagmaneho ng isa sa mga sasakyan, hinuli rin.
Sa ulat ni Katrina Son sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing dinakip ang isang alyas “Lance” sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad dahil sa report ng biktimang si alyas “Marivic” na isang cellphone and accessories shop owner.
Nagtungo umano sa kaniya ang suspek na si alyas Lance na nagbebenta ng sasakyan. Dahil “good deal” naman umano ito, nag-abot ng P220,000 ang biktima sa suspek.
Ngunit makaraan ang ilang araw, bumalik ang suspek na ibang sasakyan na ang inaalok.
“Nu’ng bumalik 'yung suspek natin, ang dala niya instead na Honda Civic ay Innova na 2025. So sabi niya, 'yung Honda daw ay parang nabenta na yata niya. So ito na lang ang bibigay niya, 'yung Innova, pero magdadagdag siya,” sabi ni San Juan Chief of Police Police Colonel Anthony Gantang.
Doon na nagduda ang biktima, na sinuri ang papel ng sasakyan at nakitang under car financing pa ito at hindi pa maaaring maibenta. Agad niya itong ini-report sa mga awtoridad.
Narekober naman sa isinagawang entrapment operation ang tatlong sasakyan mula sa suspek.
“Lumabas na marami palang nabiktima. Hindi lang siya ordinary swindler, kundi mayroon siyang modus 'yung tinatawag na rentangay. 'Yung isa na last na follow-up sa sasakyan, buti naabutan ng operatiba natin. According doon sa nahuli na kasama na driver ay dadalhin na sa parte ng Mindanao,” ani Gantang.
Nagpapakilala umano ang suspek sa mga nabibiktima niya na dati siyang teacher. Ngunit sa pagbeberipika ng mga awtoridad, natuklasang dati pala itong med rep.
“Ang sa akin naman ay palagay lang ng loob kasi nitong nakaroon maganda siyang magbayad,” sabi ni Aaron James Obos, nagparenta ng sasakyan.
“Pa-exit na siya roon nu'ng na-intercept ng mga tropang operatiba. So buti na lang, mabilis 'yung mga operatiba natin, talagang na-intercept agad nila. Minuto lang, wala na 'yung sasakyan, papunta na ng Davao,” sabi ni Reymark Palacio, nagparenta ng sasakyan.
Matapos mahuli ang suspek, naglabasan din ang iba pa niyang mga naloko, kabilang na ang babaeng nakilala niya online na agad nagtiwala sa kaniya.
“Nagpa-swipe po siya ng iPhone 17 ProMax po. Tapos second transaction po is nanghiram po siya ng P70,000 sinend po via online bank. Then 'yung third transaction po is nag-propose po siya ng condo business po sa akin. Pinag-withdraw niya po ako ng P80,000,” sabi ni Jennifer Dela Cruz.
Nabiktima rin ang isang lalaki na may mga santo. Tatlo umano sa mga santo nila ang kinuha ng suspek at ibinenta online.
“Nakukuha po 'yung loob namin kasi nga po pakilala po sa amin namatayan daw po siya ng lola. Hanggang sinamahan na po kami sa Dangwa para mamili po ng bulaklak para panggayak po sa prusisyon sa karosa po namin,” sabi ni Nicco Santos.
Kinasuhan ang suspek ng paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o ang estafa o swindling.
Nadakip naman ng mga awtoridad ang driver ng suspek na siyang nagmamaneho sa isa sa mga sasakyang ibinibenta niya.
Hindi sinasantabi ng mga awtoridad na posibleng may iba pang mga kasamahan ang suspek o kasama ito ng mas malaking grupo. —Jamil Santos/KG GMA News