Mailap pa rin ang P265 milyon premyo sa Grand Lotto 6/55 matapos na walang manalo sa draw nitong Lunes, October 12, 2026. Dumagdag naman ang Megalotto 6/45 sa mga major lotto games na higit P100 milyon na ang jackpot prize.
Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na walang mananaya ang nakahula sa lumabas na kombinasyon ng mga numero sa Grand Lotto 6/55 draw na 05-41-23-28-20-51.
Umaabot na ang premyo nito sa kabuuang P265,501,153.97.
Wala ring nanalo sa kasabay nitong Megalotto 6/45 draw na umakyat na sa P105,814,037.52 ang premyo.
Ang lumabas na mga numero sa naturang draw ay 03-22-44-13-39-11.
Samantala, umaabot na sa mahigit P384 milyon ang jackpot sa Ultra Lotto 6/58 na may draw tuwing Martes, Biyernes, at Linggo. – FRJ GMA News