Oktubre 13, 2026 5:28pm GMT+08:00
SINULAT NI: JAMIL SANTOS
Pinawalang-sala ng Sandiganbayan Second Division nitong Martes si Iloilo Representative at dating Health secretary Janette Garin, pati na ang kaniyang mga kapwa akusado, sa mga kasong katiwalian kaugnay ng ilegal umano na pagbili ng P3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia vaccines noong 2015.
Kabilang sa kaniyang mga kapwa akusado ang mga dating Health undersecretary na sina Gerardo Bayugo at Kenneth Hartigan-Go, pati na rin ang ilang dating opisyal ng Philippine Children's Medical Center (PCMC).
Nag-ugat ang mga kaso sa pagbili ng administrasyong Aquino ng mga bakuna laban sa dengue para sa school-based immunization program.
Sa isang pahayag, tinanggap ni Garin ang desisyon ng Sandiganbayan, na sinasabing ang kanilang pagpapawalang-sala ay patunay sa trabaho ng mga siyentipiko at public health experts na sumuporta sa dengue vaccination program.
"Natutuwa kami. This is a win not for me but for our scientists and experts," sabi ni Garin matapos ilabas ang desisyon ng Sandiganbayan.
“Our researchers, scientists and public health experts continued to attend the hearings in this case. We understand that there are anti-vaccine advocates, but we cannot neglect our duties or the vaccination effort because vaccination saves lives,” dagdag niya.
Hinimok din ni Garin ang publiko na huwag i-”demonize" o alipustahin ang mga bakuna, at sinabing ipapaubaya na niya sa mga eksperto ang pagtugon sa dengue immunization sa bansa.
Inakusahan ng mga taga-usig na nagsabwatan sina Garin at apat pang opisyal para ilegal na i-realign ang pondo ng gobyerno para sa pagbili ng Dengvaxia, na hindi pa kasama sa Expanded Program on Immunization ng Department of Health (DOH) o hindi pa nakalista sa Philippine National Drug Formulary.
Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng mga kasong graft at technical malversation laban sa mga opisyal sa Sandiganbayan noong Oktubre 2023 dahil sa mga iregularidad umano sa procurement.
Nauna nang itinanggi ni Garin ang mga paratang na ilegal na inilipat ang pondo para sa pagbili ng mga bakuna, at iginiit na inaprubahan ang alokasyon ng Department of Budget and Management (DBM) at sakop ng isang Special Allotment Release Order (SARO).
Samantala, dati nang itinanggi ni Hartigan-Go ang pag-promote ng Dengvaxia sa kabila ng pagtatrabaho niya para sa isang foundation na may kaugnayan sa distributor ng bakuna.
"We never promoted any product, advertised or sold through the foundation," sabi ni Hartigan-Go, na nagsilbing executive director ng Zuellig Family Foundation mula 2001 hanggang 2009.
Sumiklab ang kontrobersiya sa Dengvaxia noong 2017 matapos ibunyag ng French pharmaceutical company na Sanofi Pasteur na maaaring mapataas ng bakuna ang panganib ng malalang dengue sa mga indibiduwal na hindi pa nahawaan ng virus.
Kasunod nito, sinuspinde ng gobyerno ang dengue immunization program, na sumaklaw na sa daan-daang libong mag-aaral. — Jamil Santos/ VDV GMA News