By GMA News
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Na-hulicam ang pagtulak ng isang rider sa isa pang rider habang bumibiyahe sa Barangay Catagbacan, Goa, Camarines Sur, dakong alas-4 ng hapon nitong Sabado, Oct. 10.
Makikita sa video na inabot ng rider na naka-dark jacket ang kanyang kamay sa biktima, isang 50-anyos na ice cream vendor, na nawalan ng balanse at tumilapon sa daan. Hindi naman huminto ang rider na nanulak umano.
Ayon sa rider, inilabas lamang nito ang kaniyang kamay nang mapansing posibleng dumikit ang kanilang motorsiklo sa vendor. Hindi rin umano nito sinasadya ang nangyari.
Nasugatan ang kanang kamay ng vendor at nagkaroon din ng kaunting gasgas ang kaniyang motorsiklo dahil sa insidente.
Nagkasundo naman ang dalawang panig na sasagutin ng rider ang pagpapagamot sa vendor at babayaran ang pinsala sa motorsiklo. Wala namang nasayang o natapong paninda ng biktima.
Nag-isyu na ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban sa rider kaugnay ng insidente.
Ayon sa LTO, may sampung araw ang rider para magpaliwanag "kung bakit hindi siya dapat panagutin sa mga kaukulang paglabag at administratibong pananagutan."
Kabilang sa mga umano'y paglabag na tinukoy ng LTO sa insidente ang:
- reckless driving,
- improper person to operate a motor vehicle,
- paglabag ng Duty of Driver in Case of Accident, at
- paglabag ng Motorcycle Helmet Act.
Isinailalim din sa 90-day preventive suspension ang lisensiya ng rider, at ang motorsiklo nito ay inilagay sa "alarm" status. — BM, GMA News