Dead on the spot ang isang e-trike driver matapos pagbabarilin sa M.H. Del Pilar Street sa Barangay Tugatog, Malabon mag-aalas otso kagabi.
Nagtamo ang 34–anyos na biktimang si Christian Lorenzo ng tama ng bala ng baril sa mukha.
Ayon sa imbestigasyon, namamasada ang biktima nang paputukan ng riding-in-tandem.
Ayon sa ina ng biktima, nagkita pa raw sila ng anak ilang oras bago ang insidente.
“Umuwi po siya bumili siya ng bigas para sa pamilya niya sa mag-ina niya tapos nagpaalam na siya na babiyahe na siya dahil nga bibili ng gatas, 'yon hindi na nakabalik, hindi na nakabili ng gatas,” anj Marife Laurio, ang ina ng biktima.
Blangko ang mga kaanak sa posibleng motibo sa krimen lalo’t wala raw kaaway ang biktima.
Nananawagan sila sa mga nakasaksi na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Umaasa silang sa lalong madaling panahon ay makakamit ang hustisya.
“Kung sino man yung nakakita tulungan nyo naman ako para magkaroon ng hustisya 'yung pagkamatay ng anak ko kasi kawawa yung mag-ina niya maraming anak 'yan hindi ko kakayanin mag-isa,” dagdag ni Laurio.
Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang Malabon Police habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. — BAP GMA News