Kalaboso ang isang suspek matapos mahuli sa loob ng residential property ni Chef Tatung sa Barangay San Jose, Antipolo nitong Linggo.
Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa GTV News “Balitanghali” nitong Lunes, may dalang maleta ang suspek na puno ng mga kagamitan sa pagluluto. Mayroon ding sticker ng influencer-chef ang maleta.
"Accidentally, itong naaresto dumaan sa bandang likod ng property ni Chef Tatung dala itong maleta...aktong tatakbo pa eh. Nung una, sabi niya kalakal lang ito, paninda, eh mayroong picture ng Chef Tatung, mayroong gamit na posibleng ninakaw," ayon kay Police Lt.Col. Mark Henry Garcia, hepe ng Antipolo CPS.
Kasama ang na-recover na maleta, dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya. Sa loob ng piitan, itinanggi niya ang mga paratang laban sa kaniya.
"Walang katotohanan ‘yon sir," ayon sa suspek. "Nangangalakal na nga lang ako eh. Hindi ko nga alam kaso ko ngayon."
Matatandaan na nagreklamo si Chef Tatung dahil umano sa kawalan ng aksiyon ng mga pulis kaugnay ng pagnanakaw sa kaniyang rest house sa Baras, Rizal.
Tinatayang aabot sa P4 milyon ang halaga ng mga ninakaw na gamit at pinsala sa kaniyang ari-arian. — FRJ GMA News