Oktubre 15, 2026 5:48pm GMT+08:00
SINULAT NI: JON VIKTOR D. CABUENAS, GMA News
Matapos mapantayan ng inflation nitong Setyembre 2026 ang pinakamataas na antas na naitala sa nakalipas na tatlong taon, 71% ng mga adult Filipino ang nagsabing ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ang usapin na dapat na aksyunan kaagad ng pamahalaan, batay sa resulta ng survey ng Pulse Asia na inilabas nitong Huwebes.
Ipinakita ng survey, na isinagawa mula Setyembre 17 hanggang 24, na tumaas sa 71% ang porsiyento ng mga Pilipinong nag-aalala sa inflation, mula sa 57% noong Hulyo. Ito lamang ang usapin na binanggit ng nakararaming respondent na pangunahing alalahanin para sa kanila.
Ito rin ang nangunang binanggit na alalahanin ng mga respondent na may 36%, at sa ikalawang pagbanggit na may 22%. Pinayagan ang mga tinanong na magbanggit ng hanggang tatlong isyung itinuturing nilang kailangan na agad na tugunan ng gobyerno.
Ang inflation, na sumusukat sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo. Nitong nakaraang Setyembre, umakyat ito sa 7.2%, mula sa 6.1% noong Agosto. Katumbas ito ng antas na naitala noong Abril 2026, at pinakamabilis na pagtaas mula nang umabot sa 7.6% ang inflation noong Marso 2023.
Ang inflation din ang tanging isyung itinuring ng nakararami sa lahat ng rehiyon, at maging sa lahat ng antas ng socioeconomic class bilang isang “urgent national concern.
Sa Metro Manila, 60% (mas mataas sa 55% noong Hulyo) ng mga tinanong ang nagsabi na inflation ang pangunahing usapin na dapat hanapan ng solusyon ng gobyerno. Umabot naman sa 76% ang nagsabi nito sa natitirang bahagi ng Luzon, na mula sa 57%. Tumaas din ito sa Visayas, mula 65% tungo sa 73%, at sa Mindanao na mula 50% ay umakyat sa 67%.
Batay sa socioeconomic class, 60% ng mga respondent sa Class ABC ang nagsabing agarang alalahanin ang inflation, kumpara sa 72% sa Class D at 75% sa Class E.
Sa kabila ng pagiging pangunahing alalahanin ng mga Pilipino ang inflation, lumabas sa survey na 81% ang hindi nasisiyahan sa ginagawang hakbang ng gobyerno sa pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Sampung porsiyento lamang ang nagpahayag ng pagsang-ayon, habang hindi makapagpasya ang natitirang 10%.
Sumunod sa inflation ang graft and corruption sa gobyerno na pangunahing alalahanin na may 39%, mataas na sahodna 36%, paglaban sa kriminalidad na 24%, at pagtugon sa kahirapan na 21%.
May margin of error na ±2% sa 95% confidence level ang survey, habang may margin of error na ±4% naman sa subnational area – FRJ GMA News