Nagdulot ng pangamba sa ilang motorista sa Quezon City ang isang lalaki na nahuli-cam na tumawid sa kalsada habang may bitbit na mahabang tila “baril” kaya hinanap siya ng mga pulis.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nahuli-cam sa dashcam ng isang motorista ang lalaki na tumawid sa IBP Road sa Quezon City dakong 1:00 pm nitong Sabado.
Ang ibang sasakyan, makikitang napatigil nang tumawid ang lalaki habang bitbit ang tila mahabang baril.
Natunton kalaunan ng mga pulis ang lalaki sa basketball court ng Barangay Batasan Hills. Hawak pa rin niya ang baril na napag-alaman ng mga awtoridad na replica o laruan lang.
Nang kausapin ng mga pulis, sinabi ni Police Lt. Col. Gemmer Tubiera, commander, Batasan Police Station, na lumabas na wala sa tamang pag-iisip ang lalaki.
Sinabi pa ni Tubiera na dinala sa barangay ang lalaki para mabigyan ng tamang atensyon.
Inihayag naman ng mga anak ng lalaki na ilang taon nang hiwalay ang kanilang mga magulang.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung saan nakuha ng lalaki ang laruang baril.—FRJ GMA News