Inihayag ng Philippine Air Force (PAF) nitong Sabado na nasawi ang apat na piloto matapos magsalpukan ang dalawang eroplano sa gitna ng pagsasanay sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas.
Sa isang pahayag, inilarawan ng PAF ang insidente bilang isang "aviation accident," na naitala noong 3:51 p.m. noong Biyernes, Oktubre 23.
Sangkot ang dalawang single-propeller SF-260 aircraft, kung saan pareho silang bumagsak sa loob ng perimeter ng base.
Mapanonood sa video footage na nakuha ng GMA News ang pagbangga ng dalawang aircraft sa himpapawid.
"The Philippine Air Force mourns the loss of four pilots in an aviation accident involving two SF-260 aircraft during a training flight at Fernando Air Base on October 23, 2026. We extend our heartfelt condolences to their bereaved families, loved ones, and fellow airmen," saad ng PAF sa Facebook.
Ayon sa PAF, nagsasagawa na ng imbestigasyon para matukoy ang sanhi ng pagbagsak.
Matapos ang insidente, pinatigil muna ang buong fleet ng SF-260 aircraft bilang pag-iingat sa kaligtasan.
Tiniyak naman ng PAF na ibinibigay nito ang lahat ng kinakailangang tulong sa mga naulilang pamilya at nanawagan sa publiko na igalang ang kanilang privacy.
"May our fallen aviators' courage, dedication, and service be remembered, and may their souls rest in eternal peace," sabi ng PAF. — Jamil Santos/VBL GMA News