Oktubre 21, 2026 1:07pm GMT+08:00
SINULAT NI: GMA News
Sugatan ang isang magkasintahang naglalakad pauwi matapos silang maholdap at matangayan ng halos P100,000 halaga ng gadgets at pera ng dalawang riding-in-tandem sa Barangay 88, Caloocan.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ang pag-uwi ng magkasintahan nang dalawang riding-in-tandem ang biglang tumigil sa kanila madaling araw ng Linggo.
Hanggang sa bumaba ang angkas ng isang motorsiklo at nilapitan ang mga biktima. Inambahan niya ng patalim ang naka-hoodie na lalaki.
Pagkakuha niya sa cellphone ng lalaking biktima, ang nobya naman nito ang kaniyang pinuntirya.
Tinangkang tumakbo ng babae pero natumba siya kaya inabutan ng salarin.
Nakaladkad pa ang biktima habang nanlalaban, hanggang sa makuha rin sa kaniya ang kaniyang cellphone.
Kalaunan, kinuha rin ng iba pang mga salarin ang bag na dala ng lalaki bago tumakas papuntang 11th Avenue.
Sinabi ng babaeng biktima na madalas nilang dinaraanan ng kaniyang nobyo ang lugar kapag galing siya sa trabaho.
Wala naman nangyayari sa kaniya noong mga nakalipas na panahon, at nito lamang nang posibleng natiktikan siya ng mga kawatan.
“Ang nakuha po sa amin is iPhone 15, 'yung iPad ko po, and 'yung wallet, tapos 'yung buong bag ko po. Noong una po, nagsisigaw kami, nagbigla po kasi kami, tapos sobrang bilis lang po ng pangyayari,” sabi ng babaeng biktima, na nagtamo ng sugat sa tuhod, kamay at siko.
Nagtamo rin ng sugat sa katawan ang kaniyang nobyo.
“Ang hirap po makatulog. Parang naaalala mo po 'yung pag-amba ng kutsilyo. Tapos parang 'yung pananakot po nila na baka balikan po kami since nakita po nila 'yung identity namin. Sana po nanghingi na lang sila ng pera kasi 'yung phone ko and iPad, parang two years ko po siyang pinaghirapan,” sabi ng babaeng biktima.
Nananatiling blangko ang barangay sa pagkakakilanlan ng mga salarin dahil nakatakip ang mga mukha nila.
Matapos ang insidente, mas pagbubutihan pa nila ang pagbabantay.
“Mga taga-ibang lugar po ‘yun. Kasi kung dito po, hindi po tatalo 'yung mga taga-rito po. Mag-iikot na po ang mga tanod namin,” sabi ni Josie Ecol, treasurer ng Barangay 88.
Patuloy ang follow-up operation ng pulisya sa pagtugis ng mga salarin. —Jamil Santos/ VAL GMA News