Nasawi ang isang 37-anyos na tricycle driver matapos siyang bumangga sa isang nasiraang motorsiklo at poste sa Kalibo, Aklan.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Poblacion kaninang umaga.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na dahan-dahan iniuusad ng rider ang kaniyang motorsiklo nang dumating ang tricycle na mabilis ang takbo mula sa kaniyang likuran.
Ayon sa pulisya, nasiraan noon ang motorsiklo nang bigla itong salpukin ng tricycle, at pagkatapos ay bumangga naman sa poste ang huli.
Nasawi ang driver ng tricycle dahil sa matinding sugat na tinamo, habang minor injury lang ang tinamo ng rider.
Aalamin ng kapulisan kung may pananagutan ang rider sa nangyaring pagkamatay ng driver ng tricycle.
Samantala, isang rider naman ang nasawi matapos bumangga sa isang tricycle sa Barangay Laguinbanua West sa Numancia, Aklan. – FRJ GMA News