Pormal nang tinuldukan ng The Pod Network ang kontrata nito sa Machong Chismisan, matapos ang mga pahayag ng podcast tungkol kay Josh Aquino.
"We have formally terminated our contract with the Machong Chismisan podcast, and are consequently removing the show from the network, effective immediately," saad ng pahayag.
Matatandaang kumalat online ang isang video clip ng Machong Chismisan na pinagtatawanan nila ang anak ni Kris Aquino na si Josh, na ipinanganak na may autism.
Nauna na itong kinondena ng TV host na si Boy Abunda, na inilarawang "nakakagalit" at "cruel" ang pahayag ng mga host.
"This is very difficult for me po, mga kaibigan. Dahil where do I even start? Nakakagalit," sabi ni Tito Boy.
Kasunod ng mga batikos, humingi na ng paumanhin ang Machong Chismisan podcast dahil sa kanilang mga pahayag at kinilala ang sentimyento ng mga nakikinig sa kanila. — VDV GMA News