Patay sa saksak ang isang 25-anyos babae, habang sugatan ang kaniya umanong karelasyon na lalaki matapos silang pagsasaksakin sa Barangay Daga sa Cadiz City Negros Occidental. Ang suspek sa krimen, ang dating live-in partner ng babae.
Sa ulat ni Eileen Pedreso sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na sakay ng motorsiklo ang babae kasama ang bago nitong karelasyon na 34-anyos na lalaki nang mangyari ang krimen.
Itinuturong suspek sa krimen ang 41-anyos na dating live-in partner ng babae. Tumakas siya matapos gawin ang pananaksak pero nadakip din kalaunan.
Sinabi ni Police Major Judesses Catalogo, tagapagsalita ng NOCPPO, crime of passion o labis na selos ang nakikitang motibo sa krimen.
Mahaharap ang nakakulong na suspek sa reklamong homicide at frustrated homicide. – FRJ GMA News