Nabulabog ang mga mag-aaral at mga guro sa isang paaralan sa Opol, Misamis Oriental nang may makitang baril at pocket knife sa bag ng isang Grade 3 pupil.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente dakong 1:00 pm nitong Miyerkules sa loob ng paaralan.
Ayon sa tanod sa paaralan na si Marlane Daniel, unang nalaglag ang patalim mula sa bag ng estudyante. Nang suriin ang bag nito, nakita na ang baril na kalibre .22 na may kasamang limang bala.
Sinabi umano ng estudyante na ang kaniyang nakatatandang kapatid na Grade 4 pupil ang naglagay ng baril sa kaniyang bag.
Hinihinalang idinaan sa bakod ang bag kaya hindi nakita ng mga bantay ang baril dahil iniinspeksyon umano ang mga bag sa gate ng paaralan.
Ipinaubaya na sa mga social worker ang estudyante para sa kaukulang intervention, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kung sino ang may-ari ng baril.—FRJ GMA News