Sugatan ang isang tricycle driver at dalawa niyang pasahero, kabilang ang isang menor de edad, matapos silang masalpok ng isang kotse na napunta sa kabilang linya ng kalsada sa San Nicolas, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV footage ang pagdiretso ng kotse sa pakurbang bahagi ng kalsada.
Hanggang sa napunta ang kotse sa kabilang linya ng daan at saktong nakasalubong ang tricycle na sinasakyan ng mga biktima.
Sinubukan pa ng tricycle driver na umiwas ngunit inabutan pa rin sila ng kotse. Dumiretso naman ang kotse at bumangga pa sa isang bakod.
Lumakad nang paika-ika palayo sa tricycle ang driver, at lumabas din ang isa niyang pasahero.
Sinabi ng pulisya na maayos na ang kondisyon ng mga biktima na dinala sa ospital. – Jamil Santos/FRJ GMA News