Umabot sa 55 porsiyento ng pamilyang Pilipino ang nagsabing “mahirap” sila, batay sa resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong nakaraang Setyembre 2026. Pinakamarami ang naitala sa Mindanao.
Sa isinagawang Self-Rated Poverty (SRP) survey mula Setyembre 21 hanggang 27, 2026, tinanong ang mga respondent kung paano nila tinataya ang kalagayan ng kanilang pamilya pagdating sa kahirapan. Tinanong din sila kung magkano ang pinakamababang buwanang gastusin na kailangan ng kanilang tahanan upang hindi na maituring na mahirap.
Ang resulta ng survey nitong Setyembre ay mas mataas ng anim na percentage point mula sa 49% na naitala noong Hunyo 2026. Tinataya ng SWS na katumbas ito ng nasa 16.8 milyong pamilya.
Pinakamataas ang porsiyento ng mga pamilyang nagsabing mahirap sila ay nasa Mindanao na 64%, na sinundan ng Visayas sa 63%, Balance Luzon sa 51%, at 44% sa Metro Manila.
“The 6-point rise in the nationwide Self-Rated Poverty score between June 2026 and September 2026 was led by a 10-point increase in Balance Luzon, combined with smaller increases in Metro Manila, the Visayas, and Mindanao,” paliwanag ng SWS.
Samantala, bumaba naman ang porsiyento ng mga pamilyang nagsabing nasa “borderline” o malapit sila sa pagiging mahirap, na mula 14% noong Hunyo, at naging 9% nitong Setyembre.
Halos hindi naman nagbago ang bilang ng mga pamilyang nagsabing hindi sila mahirap. Naitala ito sa 36%, isang percentage point na mas mababa kumpara sa 37% noong nakaraang Hunyo.
Gutom
Tinanong din ang mga nakiisa sa survey na suriin ang kalagayan ng kanilang pamilya pagdating sa kahirapan sa pagkain.
Lumabas sa survey na tumaas ng walong percentage point ang Self-Rated Food Poverty (SRFP) noong Setyembre 2026, mula 36% noong Hunyo 2026 tungo sa 44%.
Katumbas ito ng tinatayang 12.2 milyong pamilyang nagsabing hindi sapat ang kanilang kakayahang makabili ng pagkain.
Samantala, bumaba naman mula 49% tungo sa 47% ang porsiyento ng mga pamilyang nagsabing hindi sila nakararanas ng kahirapan sa pagkain. Bumaba rin mula 15% tungo sa 9% ang mga pamilyang nasa borderline category.
“The September 2026 SRFP rate of 44% was 3 points above the 41% annual average of 2025, and the highest since the 51% in December 2024,” ayon sa SWS.
Kita para hindi ituring mahirap
Sa survey nitong nakaraang Setyembre, tinanong din ang mga respondent na nagsabing mahirap sila kung magkano ang pinakamababang buwanang kita na kailangan ng kanilang tahanan upang hindi na maituring na mahirap.
Batay sa kanilang mga sagot, tumaas sa P15,000 ang national median SRP threshold, mula sa P14,000 noong Hunyo 2026.
Samantala, tumaas din mula P5,000 tungo sa P6,000 ang SRP Gap, o ang kakulangan sa buwanang kita ng tahanan batay sa pagtaya mismo ng mga respondent.
Isinagawa ang survey ng SWS sa pamamagitan ng harapang panayam sa 1,500 nakatatanda na edad 18 pataas sa buong bansa. Kabilang dito ang 600 respondent sa Balance Luzon, o mga bahagi ng Luzon sa labas ng Metro Manila, at tig-300 respondent sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Mayroong itong margin of error na ±3% para sa national percentage, ±4% para sa Balance Luzon, at tig-±6% para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. —FRJ GMA News