Nasawi ang isang rider matapos niyang makasalpukan ang isang nag-overtake na motorsiklo sa Mayon Avenue, Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang pag-counterflow ng isang motorsiklo, hanggang sa mabangga na nito ang nakamotorsiklong biktima mag- 1 a.m. noong Oktubre 5.
Nagpagulong-gulong ang suspek na rider matapos malaglag sa kaniyang motor.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station, nag-overtake sa dumptruck ang motorsiklong nakasalpukan ng biktima.
Sa pinangyarihan ng insidente, makikitang may single solid yellow line sa magakabilang lane, na nangangahulugang bawal ang pag-overtake.
Dead on the spot ang biktima na kinilalang si Jose Saje Jr. o Bobot.
Batay sa mga saksi, lumapit pa ang suspek sa biktima.
“Sinabihan siya na huwag muna tumakbo, hintayin niya muna 'yung mga pulis. Kaso sobrang taranta niya. Umalis na rin talaga siya. Hindi na napigilan,” sabi ng saksing si Princess Carla Evangelista.
Gayunman, isang concerned citizen ang nakunan ng litrato ang plaka ng motorsiklo ng suspek, na ibinigay nila sa pulisya.
Sinabi ng Rodriguez Police naa na-verify nila sa Land Transportation Office ang pangalan at address ng registered owner ng motorsiklo, pero hindi nila ito nakita roon.
Patuloy n pinaghahanap ang suspek na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.
Ayon kay Police Staff Sergeant Elvern Cacatian, investigator sa Rodriguez Municipal Police sa isang babae nakapangalan ang nakarehistro na motorsiklo.
Hindi ito nakita sa kaniyang address, habang lalaki naman ang rider ng motorsiklo.
Patuloy na pinag-aaralan ng pulisya kung may pananagutan ng driver ng dump truck na nag-counterflow din sa lane na tinatahak ng biktima.
Hustisya ang hiling ng pamilya ng biktimang si Bobot. —Jamil Santos/VBL GMA News