Isang 20-anyos na babaeng college student ang patay matapos siyang pagsasaksakin sa Lipa, Batangas. Crime of passion, tinitingnan bilang isa sa mga anggulo sa krimen.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV noong Oktubre 14 ang paglalakad pauwi ng biktima sa gilid ng kalsada sa Barangay Duhatan.
Maya-maya pa, isang nakamotorsiklo na balot ang mukha at walang plaka ang sumunod sa kaniya.
Makaraan lamang ang ilang minuto, muling mapanonood sa CCTV na tumakas na ang suspek.
Natagpuan na lamang ng mga barangay tanod ang biktima kalaunan na duguan at walang malay.
Dead on arrival sa ospital ang biktima matapos magtamo ng limang saksak sa dibdib at tagiliran.
May tatlo nang person of interest ang pulisya.
Posible rin umanong magkakilala ang suspek at ang biktima.
Ayon sa mga magulang ng architecture student, wala silang kilalang kaaway ng anak.
Nakikiramay ang unibersidad sa pamilya ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. — Jamil Santos/VBL GMA News