Isinasaayos na ng Department of Migrant Workers ang pag-uwi sa mga labi ng Pinoy na pumanaw dahil sa drone attack ng Houthi sa Saudi Arabia kamakailan.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac sa panayam ng Unang Balita na nakikipag-ugnayan na sila sa employer ng Pinoy at sa gobyerno ng Saudi Arabia matapos ang nangyaring pag-atake ng Houthi sa isang oil facility.
Nakausap at nag-abot na rin ng tulong ang labor attaché ng Pilipinas sa naulila ng nasawing OFW.
Samantala, wala nang iba pang napaulat na Pinoy na nasaktan o nasawi sa insidente.
Patuloy namang pinag-aaralan ng gobyerno kung magtataas ng alert level sa Saudi sa gitna ng gulo roon.
Batay sa datos ng DMW, napauwi na sa bansa ang halos 200 Pilipino na mula sa Riyadh mula Oktubre 19.
Nagpayo si Cacdac sa mga Pilipinong nagbabalak na lumipad pa-Saudi Arabia na maghintay muna sa abiso ng embahada roon bago tumuloy.
“Sa ngayon, wala tayong deployment ban for Saudi but having said that, mayroong advisory sa ating mga kababayan na i-check muna dahil malamang walang flights papuntang Riyadh. Kaya huwag munang tumuloy… Antabayanan na lang ang pagbubukas ng airport at sabay nito ‘yung advisory ng embahada rin natin,” ayon kay Cacdac. – Jamil Santos/FRJ GMA News